Home METRO Transport holiday ikinasa ngayong Marso 23 dahil sa taas ng presyo ng...

Transport holiday ikinasa ngayong Marso 23 dahil sa taas ng presyo ng krudo

157
0

MANILA, Philippines – Nag-anunsyo ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ng nationwide transport holiday ngayong Lunes, Marso 23 dahil nahihirapan nang bumiyahe ang mga driver at operator ng PUV dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

“Talagang hindi namin kakayanin na. Kaya kami sa Lunes, magta-transport holiday kami nationwide. Hindi kami lalabas. Wala namang manggugulo. Para maiparamdam sa ating Presidente Marcos na kami talaga ay hirap na hirap na,” ayon kay Libay de Luna, national president ng ACTO.

Humihingi ang grupo ng fuel subsidy, tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), service contracts, at moratorium sa bank loans para sa mga transport cooperative na may modern jeepney units.

Sa Iloilo City, mahigit 1,000 jeepney drivers at operators ang lalahok sa transport holiday. Dahil dito, suspendido ang klase sa lahat ng antas, at magbibigay ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan.

Samantala, ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) ay ipinagpaliban ang kanilang transport strike.

Sa halip, makikipagpulong sila sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang talakayin ang posibleng taas-pasahe at pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga driver ng jeepney, UV Express, at TNVS.

Ayon sa industry source, inaasahang tataas pa ang presyo ng langis:

–Diesel: ₱16.50 hanggang ₱17.50 kada litro

–Gasoline: ₱7.50 hanggang ₱8.50 kada litro

Nauna nang inanunsyo ng Department of Energy ang pagtaas ng presyo mula Marso 17–23:

–Diesel: ₱20.40 hanggang ₱23.90 kada litro

–Gasoline: ₱12.90 hanggang ₱16.60 kada litro

–Kerosene: ₱6.90 hanggang ₱8.90 kada litro

Ayon sa mga grupo, kailangan ang transport holiday upang maiwasan ang pagkalugi at tuluyang pagbagsak ng kanilang sektor. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here