MANILA, Philippines – Sinabi ng transport group na Piston na magpapatuloy ang mga driver at operator ng public utility vehicles sa pagprotesta at transport strikes hangga’t hindi tinutugunan ng gobyerno ang kanilang panawagan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Piston president Mody Floranda, kasabay ito ng dalawang araw na transport strike ng No to Oil Price Hike Coalition na binubuo ng jeepney, bus, UV Express, at TNVS drivers na nananawagan ng agarang aksyon ng gobyerno.
Nauna nang nagkaroon ng strike ang Piston noong Marso 19–20, at ngayon ay muli silang sumasali sa mas malawak na protesta.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagbura ng excise tax at VAT sa fuel, pagbabalik ng presyo ng gasolina sa ₱55 kada litro, pag-abolish ng oil deregulation law, at pagtaas ng pamasahe at ₱1,200 family living wage. Hiniling din nila ang nationalization ng oil industry at pagtigil ng digmaan sa Middle East.
Ayon kay Floranda, hindi sila titigil sa weekly protests hangga’t hindi natutugunan ang kanilang mga hinihingi.
Sa ikalawang araw ng strike, magmamartsa ang mga grupo mula Welcome Rotunda sa Quezon City patungong Mendiola malapit sa Malacañang para iparating ang kanilang panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi rin niya na dapat tuluyang alisin ng gobyerno ang excise tax at VAT sa fuel, hindi lamang suspindihin.
Samantala, nanawagan ang grupong Manibela na gawing ₱10,000 kada buwan ang cash assistance para sa PUV drivers imbes na one-time na ₱5,000, dahil hindi umano sapat ito sa taas ng gastusin sa gasolina.
Ayon sa DSWD, nagsimula na ang pamimigay ng cash aid sa mga tsuper, habang ang Department of Transportation ay nagbibigay din ng fuel subsidy na nasa ₱1,500 hanggang ₱10,000 depende sa sasakyan.
Ngunit ayon sa ilang transport leaders, hindi mga driver ang tunay na nakikinabang sa mga ayuda kundi ang malalaking oil companies, dahil napupunta lang din ito sa pagbili ng gasolina at diesel. RNT/MND