Home NATIONWIDE Trayk drayber na kumaladkad sa pusa ipinatawag ng LTO

Trayk drayber na kumaladkad sa pusa ipinatawag ng LTO

MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes ang rehistradong may-ari ng isang tricycle na sangkot sa isang animal cruelty video na nag-viral noong weekend.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang may-ari ng tricycle, na may plakang 206-WLY, ang driver din sa video kung saan may nakitang pusang nakagapos at kinaladkad ng sasakyan.

“Ito ay hindi katanggap-tanggap at ipinakita lamang ang uri ng karakter na mayroon ang taong ito. Hindi natin ito palalampasin at titiyakin natin na mananagot ang taong ito” sabi ni Mendoza.

Sa show cause order na inilabas noong Lunes at nilagdaan ni LTO Intelligence Division chief Renante Melitante, hiniling ang may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City noong Enero 20.

Inimbitahan din ang Philippine Animal Welfare Society na dumalo sa pagdinig.

Ang may-ari ay dapat magsumite ng nakasulat at notarized na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa pagiging hindi tamang tao na magpatakbo ng sasakyan alinsunod sa Seksyon 27(a) ng Republic Act No. 4136.

Bukod dito, pansamantalang isasailalim sa alarma ang tricycle upang maiwasan ang anuman at lahat ng transaksyon habang iniimbestigahan ang kaso. (Santi Celario)