MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱3.4 milyon at naaresto ang isang 40-anyos na tricycle driver sa anti-drug operation sa Taguig City noong Abril 6.
Ayon sa ulat ni Taguig City Police Station chief Col. Julius Añonuevo, ang suspek na residente ng Maharlika Village ay naaresto sa isang buy-bust operation sa Mindanao Avenue na isinagawa ng Taguig Police Substation 7 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Southern District Office.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat na knot-tied plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Añonuevo, patunay umano ang operasyon sa patuloy na koordinasyon ng mga law enforcement unit laban sa ilegal na droga.
“This operation shows how closely we’re working with PDEA to go after illegal drugs in Taguig. Tuloy-tuloy ang ating operasyon. We will make sure those involved are caught and made accountable,” aniya. RNT/MND