MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na hindi niya alam ang business interest ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang nakakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaang lungsod.
Ayon kay Trillanes, kung tatanggapin ang ganitong paliwanag, maaaring magkaroon umano ng kontrata ang isang lokal na pamahalaan sa kumpanyang may kaugnayan sa kapatid ng alkalde at pagkatapos ay sabihing wala siyang kaalaman tungkol dito.
“They will just feign ignorance,” ani Trillanes, kasunod ng testimonya ni Baste sa ika-31 araw ng impeachment trial ni VP Duterte.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Baste na hindi niya alam na may business interest ang kanyang kapatid sa GenCorp at hindi umano nila pinag-uusapan ang kanilang mga negosyo. Sinabi rin niyang hindi niya papayagang magkaroon ng transaksiyon ang Davao City sa GenCorp kung alam niyang shareholder dito si VP Duterte.
Batay sa mga rekord na iniharap sa impeachment court, sinabi ng Davao City government na mayroon itong 19 kontrata sa GenCorp na nagkakahalaga ng mahigit P33.2 milyon mula 2022. Samantala, ang mga rekord na iniharap ng PhilGEPS ay nagpakita ng 15 Davao City contracts na nagkakahalaga ng P34.216 milyon, kaya may pagkakaiba sa bilang ng mga kontratang iniulat.
Idineklara ni VP Duterte ang GenCorp bilang business interest at ang sarili bilang shareholder sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth. Gayunman, naunang tumestigo ang Securities and Exchange Commission na hindi lumilitaw ang kanyang pangalan bilang shareholder sa corporate records ng kumpanya na sinuri sa paglilitis. Sinabi ng impeachment court na kailangan pang timbangin at pagtugmain ang magkaibang rekord.
Bahagi ang usapin sa pagdinig sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na tumatalakay sa mga alegasyon hinggil sa kanyang yaman, SALN disclosures at business interests. Hindi pa nagbibigay ng pinal na paghatol ang impeachment court sa mga naturang alegasyon. RNT