MANILA, Philippines – Inihain sa Pasig Regional Trial Court ang petisyon na nagnanais ng temporary restraining order sa konstruksyon ng bagong Pasig City hall.
Sa 39-pahinang petisyon na inihain nitong Agosto 19, ang mga respondents ay tinukoy na sina Mayor Vico Sotto, at Vice Mayor Robert Vincent Jude B. Jaworski, Jr., Councilors Raymund Francis Rustia, Corazon Raymundo, Simon Gerard Tantoc, Paul Roman Santiago, Noel Agustin, Roderick Mario Gonzales, Marion Rosalio Martires, Keil Custillas, Maria Luisa De Leon, at Mark Gil delos Santos bilang mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod.
Ang complainant naman na si Alejandro dela Vega Sanoy ay nagsabing ang mga respondent ay naglaan ng P9.6 bilyon “from the city coffers for the demolition and construction of a new city hall of Pasig City—which amount could have been spent in developing a community-based and a more responsive health care delivery.”
Aniya, noong Marso 2024, nagpasa ng policy proposal ang cause-oriented groups para sa development ng “people-oriented primary healthcare,” na sakop ang “health promotion to prevention, treatment, rehabilitation, and palliative care across the life course” ngunit hindi tumugon ang Office of the Mayor sa naturang proposal.
Hinimok niya ang korte na ideklarang void ang
Resolution No. 42-11, na “authorized the Pasig City local government to enter into a multi-year contract for the procurement of design and build services, demolition of existing structures within Pasig City Hall compound, and construction of the new Pasig City Hall.”
Sa resolusyon, inaprubahan ang P9.644 bilyong badyet para sa konstruksyon ng city hall at nag-oobligang makumpleto ang proyekto sa loob ng 720 araw.
Ayon sa complainant, walang ordinansa, annual investment plan, o local development plan na pumapayag para sa budget allotment para sa konstruksyon ng bagong city hall.
Layon din ng petisyon na ideklarang void ang Ordinance No. 13, Series of 2024, na naglalaan ng supplemental budget na P6.463 bilyon para pondohan ang mga karagdagang gastos, proyekto at programa.
Dagdag pa, ipinadedeklara ring null at void ang isa pang ordinansa na naglalatag ng mga panuntunan para sa issuance ng Multi-Year Contract Authority.
Wala pang tugon si Sotto kaugnay nito.
Nauna nang sinabi ng alkalde na ang paghahain ng reklamo laban sa kanya ay bahagi ng ‘dirty tactics’ ng ilang political groups.
“This is not the first time. Notice the interesting timing of this—at the same time that certain political groups are ramping up their political activities,” sinabi ni Sotto.
“Mahirap ang kalaban na may bilyones, galit sa mga reporma, at handang magbayad ng proxies, facebook trolls, former at incumbent officials, etc. Pero hindi na basta-basta gumagana ang old traditional politics at dirty tactics sa Pasig,” dagdag pa. RNT/JGC