MANILA, Philippines – Arestado ang isang motorcycle rider matapos nitong suntukin at sipain ang traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Alabang, Muntinlupa City.
Sa video, makikita ang rider na sinisipa ang traffic enforcer dahilan para matumba ito.
“May tumatawid pong mga bata, nasa gitna na yung mga kabataan nakita ko may parating na motor tinaasan ko po siya ng kamay para mapahinto, maalalayan yung mga tumatawid. Ang ginawa po niya tuloy-tuloy lang po,” pagbabahagi ng traffic enforcer na si Joel Fernandez sa panayam ng GMA News.
Sa kabila nito ay hindi huminto ang rider kung kaya’t sinigawan ito ng traffic enforcer.
“Sinabi ko naman sa kanya ang kanyang violation. Unang-una may tumatawid at dini-disregard niya ako. Nagalit po siya. Hindi raw ako mapaki-usapan. Bastos daw ako. Minamadali niya ang pagbalik ng lisensiya niya at ang in-issue kong ticket,” pagpapatuloy ni Fernandez.
Matapos na mabawi ang lisensya ay dito na inatake ng rider ang traffic enforcer.
“Tinamaan ako dito ng suntok. Sunod-sunod po kaya ‘di ko na kayang mailagan. Hindi pa siya nakuntento, nagbigay po siya ng sipa. Round kick. may tumama sa dibdib ko at ito nga iniinda ko yung likod sa lakas ng impact kahit nasalag ko nayanig pa rin ako,” ani Fernandez.
“Nakaresponde naman po ang ating mga kapulisan dito sa substation 3 ng Alabang at naaresto ang suspek natin,” pahayag naman ni Police Captain Fernando Niefes, hepe ng Muntinlupa Police Investigation and Detective Management Section.
Sising-sisi naman ang idiniteneng rider sa kanyang naging kilos. Aniya, nagmamadali itong makauwi sa Quezon City.
Sa kabila ng paghingi ng tawad kay Fernandez, nahaharap pa rin ang rider sa reklamong direct assault. RNT/JGC