Home METRO Tserman sa Cagayan, tigok; 9 pa sugatan sa aksidente

Tserman sa Cagayan, tigok; 9 pa sugatan sa aksidente

274
0

ALCALA, Cagayan – Hindi na umabot ng buhay ang isang barangay captain habang sugatan ang siyam nitong kasamahan matapos maaksidente sa Barangay Pared, Alcala, Cagayan.

Kinilala ang namatay na kapitan na si Jesus Calatican, 54-anyos, ng Brgy. Lablabig, Claveria, habang ang mga sugatan ay sina China Rubio, 57-anyos; Andres Rubio, 52-anyos; Rosalie Udac, 65-anyos; Princess Udac, 26-anyos, pawang residente ng Brgy. Lablabig; Edimar Pascua, 49-anyos; Benelyn Martinez, 44-anyos; Pedro Cabangin, 65-anyos, at dalawang menor de edad na pawang residente naman ng Brgy. Kilkiling, Claveria, Cagayan.

Ayon kay Herome Ibarra, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Alcala, papuntang Isabela ang mga biktima mula sa bayan ng Claveria nang mangyari ang insidente lulan ng sasakyan ng barangay.

Aniya, nang makarating ang mga biktima sa pakurbang bahagi ng daan sa Brgy. Pared ay dumiretso ito na naging sanhi ng pagkahulog ng sasakyan na minamaneho mismo ng kapitan.

Sinabi ni Herome na hindi nakainom ang driver nang mangyari ang insidente pero posibleng hindi umano nito kabisado ang daan na dahilan ng aksidente.

Agad namang rumesponde ang mga kawani ng MDRRMO at kapulisan, pero naipit ang driver at nagtamo ng malubhang sugat na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan ang ibang sugatan habang ang iba pang biktima ay inilipat sa Lungsod ng Tuguegarao para sa agarang medikal na atensyon.

(Rey Velasco)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here