MANILA, Philippines- Inanunsyo ng mga awtoridad nitong Lunes ang pagkakadakip sa isang Chinese national at dalawang “kasabawat” na Pilipino sa hinihinalang pagsasagawa ng espionage activities sa bansa.
“Yung nahuli natin, isang Chinese national na based on our open source intelligence, with assistance from our Armed Forces of the Philippines (AFP), is a graduate [of a university] controlled and operated by the People’s Liberation Army (PLA),” pahayag ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc sa isang press conference.
Ang PLA ang militar ng Chinese Communist Party at ng People’s Republic of China.
Sinabi ni Lotoc na ang Chinese “spy” ay espesyalista sa “control engineering.” Naaresto siya habang nasa loob ng isang sasakyang minamaneho ng dalawang “kasabwat” na Pinoy.
“Meron na po silang mapa kung saan iikot. In fact, ang plano po nila pagkatapos nilang maikot yung buong Luzon, yung next target nila buong Visayas at Mindanao,” pahayag ni Lotoc.
Ani Lotoc, ang dayuhan ay isang “sleeper” agent.
“Tinawag namin syang sleeper kasi throughout our monitoring, yung galawan niya talagang nasa normal lang, kaya niyang mag-blend in sa iba’t ibang grupo. Hindi po sya pansinin,” paliwanag ng opisyal.
Base sa NBI, humigit-kumulang limang taon nang nakabase a bansa ang lalaking Chinese.
Sinabi naman ni AFP chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner, Jr. na bumisita ang grupong pinamumunuan ng umano’y Chinese spy ang mga lugar kung saan matatagpuan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
“When we looked at the areas that this group went to, nakita namin na mga EDCA sites yung iba, so it’s very possible that the coordinates and the topography could be used for military purposes, military targeting purposes,” aniya.
“We believe na nagsimula yung espionage ng China even prior to the apprehension of the equipment last year. But nakita po natin just recently yung paggamit po nila ng mga equipment na ito,” dagdag ni Brawner. RNT/SA