Home METRO Halos P98M tobats buking sa bagahe ng 2 South African national

Halos P98M tobats buking sa bagahe ng 2 South African national

Larawan mula sa BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa halos P98 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino sa NAIA Terminal 3 mula sa mga bagahe ng dalawang South African national noong Enero 16, 2025.

Ayon sa BOC, isinailalim sa masusing inspeksyon gamit ang x-ray scanning at K-9 sniffing dog ang mga bagahe ng dalawang dayuhan na nagmula sa bansang Dubai na nagresulta sa pisikal na inspeksyon nito at nadiskubre ang nasa 14,396 gramo ng Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala na shabu na nagkakahalaga ng P97,892,800.

Nabatid na isinagawa ang nasabing operasyon katuwang ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Ang mga nasabat na droga at mga naarestong suspek ay itinurn-over sa PDEA para sa karagdagang imbestigasyon at legal na paglilitis para sa mga paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). JR Reyes