Home METRO Tsino nagbaril sa sarili habang inaaresto; 3 pang murders suspects timbog

Tsino nagbaril sa sarili habang inaaresto; 3 pang murders suspects timbog

IMBES na sumuko, pinili ng isang Chinese national na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) laban sa mga hinihinalang miyembro ng isang kidnap gang na ang target ay mga dayuhan na nasa Central Luzon habang naaresto naman ang tatlo pa nitong kababayan sa Pampanga.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nangyari ang insidente sa loob ng isang condominium building sa Angeles City kung saan ni-raid ng grupo ng mga ahente mula sa fugitive search unit ng BI ang unit ng mga suspek para arestuhin sila dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.

Sinabi ni Tansingco na sa halip na sumuko ay nagtakbuhan ang mga dayuhan at nagtangkang tumakas, na naging dahilan upang habulin sila ng mga operatiba ng BI.

Nahuli at naaresto ng mga tumutugis na ahente ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Feng Zhengheng, 29, at Chou Yibo, 33. Gayunpaman, tumanggi ang kanilang kasama na si Wu Fu Wen, 35, na sumuko at binaril ang sarili na agad niyang ikinamatay.

Nabatid na inaresto rin ang isang overstaying Chinese na babae, na kinilalang si Wang Yan, 25, matapos siyang makaharap ng arresting team sa operasyon.

Ayon kay Tansingco, ang mga Chinese national ay pangunahing suspek sa pagpatay sa siyam na dayuhan na ang mga bangkay ay itinapon sa iba’t ibang lugar sa Pampanga ilang buwan na ang nakararaan. Anim sa mga pinaslang ay mga Chinese habang ang tatlo pa ay mula sa Vietnam, Malaysia at Japan.

Sinabi ni Tansingco na ang mga Chinese national na naaresto ay kakasuhan ng deportation cases dahil sa overstaying ng kanilang mga tourist visa.

Napag-alaman sa BI na dumating ang tatlo sa Pilipinas noong 2019 at hindi na umalis mula noon kung saan hindi na din sila nag-aplay para sa extension ng kanilang pananatili sa bansa.

“They will remain in our detention facility until the criminal cases filed against them are resolved by the court as they will also be facing deportation charges,” ayon sa BI chief. JAY Reyes