Home OPINION TSISMIS NA BA TRABAHO NG PCO?

TSISMIS NA BA TRABAHO NG PCO?

HINDI ko alam kung matutuwa ako o maiinis ako rito kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kaugnay sa kanyang pagiging patola. Ang ibig sabihin ng patola ay pala patol sa isyu o balita.

Aba’y lahat na lang ng isyu ay kanyang pinatulan. Lahat na lang ay kanyang sinasagot. Naisip kaya niya na dahil sa kanyang ginagawa ay walang katahimikan ang taumbayan at mas higit ang Malacañang. Tsismis na ba ang trabaho ngayon ng PCO?

Sana ay katulad na lang ang Presidential Communication Office noong panahon nina dating PCO secretaries Atty. Cheloy Garafil at Cesar Chavez na tahimik, ika nga ay smooth sailing ang pamamalakad sa kanilang opisina.

Maayos din naman si PCO secretary Jay Ruiz dahil tahimik lang naman siya at napaka-finesse niyang kumilos at napaka-soft spoken.

Pero ang kanyang undersecretary ay tila asong kahol nang kahol kaya naman sa halip na gumanda ang imahe ng Palasyo sa mamamayan ay nalalagay sa alanganin ang posisyon lalo na ang Pangulo.

Sabi nga, less talk, less mistake. Pero dahil sa kadadaldal nang kadadaldal ni Castro, mas marami tuloy ang naghihinala na totoo ang kumakalat na balita at pinagtatakpan lang.

Alam ba ni Castro ang trabaho niya sa PCO? Alam ba niya ang papel na ginagampanan ng PCO? In general, ang PCO ang dapat naghahatid ng mensahe ng Pangulo sa publiko. Syempre, kasabay nito ang paglalahad ng mga patakaran at ginagawa ng administrasyon na ikabubuti ng mga mamamayan at sambayanan.

Kung alam ni Castro na mali ang mga ipinakakalat na impormasyon ng mga gumagawa ng fake news laban kay FL Liza at sa Pangulong Marcos, hindi niya dapat na hamunin at insultuhin ang mga ito na walang alam.

Syempre, may alam ang mga iyan kaya nga nakagawa ng “fake news” na alam nilang kakagatin ng publiko. So, hindi sila walang alam, in fact, matalino nga sila dahil alam nila kung paano papasukin sa bitag ang mga nasa posisyon.

Kapag patuloy ang ginawang pagpatol ng Malacanang sa mga disinformation o ang patuloy at walang patlang na pagsagot ni Castro sa mga isyu na pinag-iinit lang sila sa kanilang upuan, malamang tuluyang masisira ang magandang imahe ng Palasyo na binuo ng mga dating nakaupong PCO chief.