
NAPAKAPANGAHAS ngayon ang mga nagpapakalat ng droga.
Kahit aktibo ang buong pwersa ng pamahalaan sa pagbabantay sa mga lansangan kaugnay ng halalang Mayo 12, 2025, walang takot na magbiyahe, magpakalat at sa huli, magbenta ng droga ang mga druglord at kanilang mga tauhan.
Por gramo o por kilo ang ibinibiyahe, ipinakakalat at ibinibenta.
Pwede ring bultuhan na kilo-kilo.
Lahat ng paraan ginagamit ng mga ito sa pagbibiyahe at pagpapakalat.
Pwedeng sarili nilang sasakyan o sa pamamagitan ng nagkalat ngayong delivery companies, mula motorsiklo hanggang van at truck.
PINAKAMAMALALAKI
Heto ang pinakamalalaki sa mga nasakote sa loob ng nakaraang isang linggo.
Pinakahuli ang nasa P816 million halaga ng shabu na tumitimbang ng 120 kilo sa Barangay San Antonio, Calapan City, Oriental Mindoro.
Sinabi ni P/BGen. Roger Quesada, director ng Police Regional Office 4B na ang Philippine National Police-Drug Enforcement Group ang nakagawa nito.
Isang alyas Christopher na tsuper ng Toyota Camry ang nahuli sa pagbibiyahe.
Ayon kay Gen. Quesada, nauna rito, nakasamsam na rin sila ng 345M shabu at nakahuli ng 110 sangkot dito.
Sa South Green Heights Village, Putatan, Muntinlupa, mga alyas “Tita Joy” at “Liezel” naman ang nahuli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at natagpuang nasa pag-iingat nila ang nasa P340M shabu o may timbang na 50 kilo.
Sa Rizal Cement Village, Barangay Pantok,Binangonan, Rizal, nakumpiska rin ang P272M shabu na tumitimbang ng 40 kilo.
Sinabi ni PDEA Undersecretary Director General Isagani Nerez na pinagsanib na pwersa ng PDEA at PNP-DEU ang umaksyon dito at nahuli rin ang isang alyas Ronald.
Nasa P217.64M shabu na may timbang na 31 kilo, kasama ang 35 tabletang ecstasy, naman ang nahuli sa Bacoor, Cavite.
Nahuli ang Chinese national na isang alyas Li na nanggaling pa sa Mandaluyong City sakay ng isang SUV.
Unang binilhan ito ng isang kilo at mabilis itong dinakma makaraan ng mga pinagsanib na pwersa ng PDEA Special Enforcement Service at Regional Office IV-A, Cavite Provincial Office, Philippine National Police Maritime Police Station at Bacoor City Police Station.
Kung tutuusin, walang binatbat ang mga ito sa halos P9 bilyong shabu na nakumpiska sa Alitagtag, Batangas noong Mayo 2024 at kinasangkutan ng isang Canadian national na si Thomas Gordon O’ Quinn alyas James Toby Martin na nahuli sa isang spa sa Tagaytay City, Cavite.
Mga pulis naman ang nahuli sa P6.7 shabu sa Tondo, Manila noong Oktubre 2022.
WALA KAYANG PULIS, PDEA O POLITIKO?
Sa mga pinakahuling kaso sa Calapan City, Muntinlupa City, Binangonan, Rizal at Bacoor, Cavite, wala kayang sangkot na mga opisyal ng gobyerno o kaya’y mga pulis o PDEA mismo?
Kung bakit tayo nagtatanong, may mga kaso nang sangkot mismo ang ilang opisyal ng gobyerno, taga-PDEA at taga-PNP.
Sana nga wala.
Pero kung mayroon at itinago sila, magiging walang katapusan ang droga na maninira sa buhay natin at sa pamahalaan.
At ang masakit, magiging sarsuela at pera-pera lang ang lahat kahit maliwanag na salot ang droga at mga nagpapakalat nito sa buong lipunan.