MANILA, Philippines – Kumpirmadong nasawi ang isang indibidwal habang 10 iba pa ang sugatan nang magbanggaan ang isang fuel tanker truck at pampasaherong jeepney sa Barangay Ibabao, Cuenca, Batangas, madaling araw ng Miyerkules, Agosto 13.
Ayon kay Police Major Eduardo Timbol, hepe ng Cuenca Police, idineklarang dead-on-arrival ang drayber ng jeepney sa isang ospital habang nasa kritikal na kondisyon naman ang ilan sa mga sugatan.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-swerving ang tanker truck bago nito tinamaan ang paparating na jeepney dahilan para tumagilid ito.
“Yung drayber po ng tanker natin ay medyo mabilis at nagsu-swerve po talaga sa kabilang lane kaya po na sideswipe niya yung jeep na tumaob naman po,” sinabi ni Timbol sa panayam ng ABSCBN News.
“According sa ating witness yung jeep naman po ay normal po ang speed,” dagdag pa.
Agad na tumakas ang drayber ng tanker truck habang ang helper ay nasa kustodiya ng pulisya. RNT/JGC