MANILA, Philippines – Inaasahang aabot na sa P19 trilyon ang sovereign debt ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2026.
Sa Budget and Expenditures and Sources of Financing para sa fiscal year 2026, inaasahan ng pamahalaan ang total outstanding debt sa susunod na taon sa P19.057 trilyon, o mas mataas sa projected P17.359-trillion debt level para sa 2025.
Noong katapusan ng Hunyo 2025, ang debt stock ng pamahalaan ay lumampas na sa P17-trillion mark, o nagkakahalaga ng P17.267 trilyon, tumaas ng 2.1% mula sa P16.918 trilyon noong Mayo at 11% na mas mataas kumpara sa P15.483 trilyon sa pagtatapos ng Hunyo 2025.
Dagdag pa, nagtapos ang 2024 na ang Pilipinas ay mayroong utang na P16.051 trilyon o mas mataas ng 9.8% mula sa P14.616 trilyon na debt level sa pagtatapos ng Disyembre 2023.
Samantala, bulto ng inaasahang P19.057 trilyon na utang para sa 2026 ay magmumula ‘locally’
sa P13.28 trilyon, habang ang nalalabing P5.78 trilyon ay manggagaling sa external sources.
Para rin sa susunod na taon, ang gross borrowings ng pamahalaan ay inaasahang aabot sa P2.682 trilyon kung saan malaking bahagi nito o P2.055 trilyon ay kukunin ‘locally’ habang ang nalalabing P627.104 bilyon ay magmumula sa ‘foreign sources.’
Target ng pamahalaan na mag-isyu ng P1.995 trilyon sa fixed rate treasury bonds at P60 bilyon sa treasury bills.
Para sa foreign borrowings sa susunod na taon, aabot sa P263.292 bilyon at P61.712 bilyon ang government projects program at program loans.
Sa kabilang banda, ang foreign bonds at iba pang inflows ay nagkakahalaga ng P302.100 bilyon. RNT/JGC