MANILA, Philippines – Sa pagpalo na sa mahigit P100 sa kada litro ng diesel at pagtaas ng pasahe, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Kamara at Senado na magdaos ng special session upang aprubahan ang P200 taas ng sahod.
Ayon kay Deputy Speaker at TUCP Partylist Rep Raymond Democrito Mendoza, pangunahing may akda ng House Bill 88 na nagsusulong ng P200 legislated minimum wage increase, na nakabreak na ang Kongreso simula Marso 19 ,2026 at babalik na ang sesyon sa May 4, 2026 subalit maaari itong mag-overtime para talakayin ang wage increase.
“Higit ₱100 na ang presyo ng kada litro ng diesel pero wala pa ring ₱200 dagdag-sweldo! Hihintayin pa ba nating pumalo sa $200 kada barrel ng langis bago ipasa ang ₱200 na arawang umento? Sunud-sunod ang taas ng presyo ng langis, susunod ang taas-pamasahe, tataas ang presyo ng pagkain, pero ang sweldo ng manggagawa, nakapako. Kung kailangan mag-overtime ng manggagawa para lang mairaos ang pamilya dahil sa four-day work week at dahil sa sobrang mahal ng bilihin, dapat handa ring mag-overtime ang Kamara at Senado para ipasa ang dagdag-sahod,” ani Mendoza.
Dala ng mataas na presyo ng langis ay pinahintulutan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang domestic shipping operators na magtaas ng pasahe ng 20 percent habang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay inaprubahan ang P1 dagdag pasahe para sa mga passenger jeepneys at bus sa in Metro Manila habang ang mga modern jeepney at magtataas ng P2 samantala ang TNVS flag-down rate ay magiging P65 mula sa dating P45.
“Manggagawa ang unang sumasalo sa krisis ngunit sila rin ang huling natutulungan. Tama lamang na magbigay ng ₱5,000 ayuda sa mga tsuper at manggagawa sa pampublikong transportasyon, pero paano naman ang mahigit limang milyong minimum wage earners na araw-araw ding napipilitang mamili kung pagkain ba, pamasahe ba, o paaral ba ng mga anak ang uunahin,” ani Mendoza.
Iginiit pa ni Mendoza na sa harap ng nararanasang krisis ay hindi sapat ang ayuda, kailangan ang special session ng Kongreso at Senado upang agarang maipasa ang dagdag-sahod. Gail Mendoza