LUCENA CITY- Nasamsam ng mga pulis nitong Miyerkules ang mahigit P711,000 halaga ng shabu (crystal meth) mula sa umano’y drug trafficker sa isla ng Polillo sa lalawigan ng Quezon.
Iniulat ni Colonel Ruben Lacuesta, Quezon police chief, na alas-4:10 nang hapon nang salakayin ng anti-illegal drugs operatives ang tahanan ng 33-anyos na si Jose Camarador, Jr. sa Barangay Poblacion.
Natagpuan ng mga awtoridad, may dalang search warrant na ipinalabas ni Judge Rodolfo Quitolbo Jr. ng Regional Trial Court sa bayan ng Infanta, ang walong plastic sachets na naglalaman ng 34.9 gramo ng shabu. Ang tinatayang Dangerous Drugs Board value ng narekober na shabu ay P237,320.
Pumalo ang halaga ng nakumpiskang shabu sa P711,960 sa street market, base sa ulat.
Iniimbestigahan na ng Quezon police ang pinagmulan ng drogang ibinebenta ng suspek.
Kasalukuyang nakaditene ang suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA