MANILA, Philippines – Shoot sa hoyo ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos masakote ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Burnok”, 35, ng Brgy., Gen T De Leon.
Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil umano’y sa pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek.
Dahil dito, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago isinagawa ang buy bust operation laban kay alyas Burnok sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan umano ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer sa harap ng Antonio M Serrapio Elementary School sa C. De Leon St., Brgy., Ugong, dakong alas-5:20 ng umaga.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, buy bust money na isang tunay na P500 at dalawang pirasong P500 boodle money, P100 cash at coin purse.
Ayon kay PMSg Ana Liza Antonio, na-inquest na ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Merly Duero)