Home NATIONWIDE Tulong bilisan, tiyaking makararating sa tunay na apektado – Sen. Go

Tulong bilisan, tiyaking makararating sa tunay na apektado – Sen. Go

91
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa mabilis ngunit maingat na aksyon sa panukalang pakete ng mga tulong ng gobyerno upang matugunan ang kasalukuyang krisis sa langis at ekonomiya.

Ngunit binigyang-diin  ng senador na ang anumang tugon ng gobyerno sa epekto sa ekonomiya ng patuloy na digmaan sa Kanlurang Asya ay dapat na direktang pakikinabangan ng mga Pilipinong pinakaapektado ng pagtaas ng presyo, gastos sa transportasyon, at kabuhayan.

Ginawa ni Go ang panawagan matapos sabihin ng Department of Budget and Management (DBM) na kakailanganin ng pamahalaan ng tinatayang P155 bilyon upang pondohan ang United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT). Ayon sa DBM, ang halaga ay maaaring manggaling sa savings ng mga ahensya, realigned allotments, o unreleased appropriations sa ilalim ng mga pambansang badyet ng 2025 at 2026.

“Dapat bilisan ang tulong, pero siguraduhin nating makararating ito sa mga tunay na apektado ng krisis. Ang importante dito, hindi masayang ang pondo at maramdaman agad ng mga ordinaryong Pilipino ang tulong ng gobyerno,” sabi ni Go.

Ang UPLIFT strategy ay pinagtibay bilang whole-of-government response sa economic and energy-related effects ng patuloy na tunggalian sa Kanlurang Asya. Layon nitong suportahan ang mga pangunahing sektor, kabilang ang transportasyon, agrikultura, at micro, small, and medium enterprises (MSMEs), para maprotektahan ang sambahayan ng mga Pilipino.

Sinabi ni Go na ang iminungkahing mekanismo ng pagpopondo ay dapat pag-aralang maigi, lalo’t ipinahiwatig ng DBM na ang halaga ay sasailalim pa rin sa pagpipino, depende pa rin kung gaano karaming kasaling ahensya ang maaaring muling irealign, i-repurpose, o iliban ang kanilang kasalukuyang appropriations.

“Dati pa natin ipinanawagan na pag-aralan kung may excess funds o savings na pwedeng gamitin para sa mga nangyari. Kung may pondo na hindi pa nagagamit at pwede namang ilaan para sa krisis, dapat tingnan nang mabuti at gamitin sa tama,” anang senador.

“Kung gagamit tayo ng savings o unreleased appropriations, dapat malinaw ang proseso, malinaw ang beneficiaries, at malinaw ang epekto. Hindi pwedeng general lang. Dapat alam natin kung sino ang tutulungan, gaano kabilis, at paano masisiguro na hindi masasayang ang pondo,” idiniin ni Go.

Sinabi ng senador na dapat suriin nang may pag-iingat ang planong pagkukunan ng pondo mula sa savings, na inaalala ang mga seryosong concerns sa naunang paggamit ng sobrang pondo mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Binigyang-diin niya na hindi ito dapat magresulta o makaapekto sa mga serbisyo, lalo na sa sektor ng kalusugan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here