Home NATIONWIDE Tulong ng PH gov’t sa Kanlaon-affected families lampas P7.3M na

Tulong ng PH gov’t sa Kanlaon-affected families lampas P7.3M na

MANILA, Philippines- Lampas na sa P7.3 milyon ang halaga ng tulong na naibigay ng national at local government units sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon noong Disyembre 9, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes.

Sinabi ng ahensya na hinati ang tulong na ito sa P6.43 milyon sa Western Visayas, binubuo ng family food packs, hygiene at sleeping kits, at P883,658.51 para sa Central Visayas.

“Figures are subject to change due to ongoing validation,” pahayag ng disaster response body.

Nakakuha rin ang Western Visayas ng P364,000 halaga ng face masks mula sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, sinabi ng NDRRMC na naapektuhan ng pagputok ng Kanlaon ang 11,791 pamilyang naninirahan sa 26 barangay sa Western Visayas at Central Visayas.

Katumbas ang bilang na ito ng 40,489 indibidwal.

Nananatili sa 27 evacuation centers ang 4,612 pamilya na binubuo ng 15,440 katao.

Nasa 677 pamilya, o 2,522 indibidwal, ang tinutulungan sa labas ng evacuation centers. RNT/SA