Home METRO Tulong para sa mga apektadong residente ng pagputok ng Kanlaon tiniyak ng...

Tulong para sa mga apektadong residente ng pagputok ng Kanlaon tiniyak ng Palasyo

MANILA, Philippines- Sinabi ng Malacañang nitong Martes na mamamahagi ng tulong para sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Kanlaon. 

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Department of Social Welfare and Development sa local government units hinggil sa pamamahagi ng food packs at non-food items sa mga apektadong pamilya. 

Nang tanungin ukol sa kinakailangang pondo ng apektadong local government units,  inihayag ni Castro na aalamin ng administrasyon ang mga pangangailangan ng LGUs. 

Naiulat ang ashfall sa ilang lugar sa Negros Occidental kasunod ng pagputok ng bulkang Kanlaon nitong Martes ng umaga, base sa Office of Civil Defense Region 6 (OCD 6).

Ayon kay OCD 6 director Raul Fernandez, kabilang sa mga apektadong lugar ang Barangay Sag-Ang sa La Castellana; Barangays Yubo at Ara-al sa La Carlota; maging Bago City.

Inihayag naman ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang kahandaang magpadala ng family food packs at iba pang tulong sa mga apektadong pamilya ng panibagong pagsabog ng nasabing bulkan. RNT/SA