Home NATIONWIDE Tulong para sa mga naarestong OFW sa Qatar tiniyak ng DMW

Tulong para sa mga naarestong OFW sa Qatar tiniyak ng DMW

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Linggo na magbibigay ng tulong sa mga Pilipino na naaresto sa Qatar dahil sa umano’y pagsasagawa ng hindi awtorisadong demonstrasyon.

Sinabi ng DMW na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar na subaybayan ang kaso at tiyakin ang kapakanan ng mga nakakulong na mga Pilipino.

Nauna nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 17 Pilipino ang ikinulong matapos lumahok sa rally upang suportahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa koordinasyon ng DFA, ang DMW at Philippine Embassy sa Doha ay nag-deploy ng kanilang Labor Attache sa police station upang magbigay ng lahat ng kinakailangang tulong sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs).

Tiniyak ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa OFWs ang buong tulong ng ahensya.

Pinaalalahanan ni Cacdac ang lahat ng OFWs na sumunod at igalang ang batas at customs ng host countries partikular sa pampublikong pagtitipon at paghahayag ng pananaw sa politika upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden