Home NATIONWIDE Tulong pinansyal sa pagpapalakas ng maliliit na negosyo, aprubado sa Senado

Tulong pinansyal sa pagpapalakas ng maliliit na negosyo, aprubado sa Senado

MANILA, Philippines – Inaprubahan kamakailan ng Senado ang panukalang batas sa ilalim ng Committee Report No. 528 na naglalayong palakasin ang tulong pinansiyal, pagbibigay ng training program at iba pang pamamaraan sa pagpapahusay na maliliit na negosyo.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, may akda ng Senate Bill No. 2985 na layunin nito na bigyan ng mas malakas na suporta ang gobyerno ang Micro and Small Enterprises (MSEs).

Kamakailan, inaprubahan ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso Act (P3) upang gawing mas madali para sa MSEs ang pagkuha ng abot-kayang pautang at iba pang tulong pinansyal, alinsunod sa kasalukuyang programa ng Department of Trade and Industry (DTI).

Kabilang dito ang mga bagong probisyon para sa tulong pinansyal at mga training program na naglalayong pahusayin ang operasyon at kakayahan ng mga MSE.

“These enterprises employ more than 80% of our workers. If we empower them by offering a loan that still respects their dignity, then this is an effective way to open more opportunities and finally eradicate the chains of poverty that beset a lot of our fellow Filipinos,” wika ni Cayetano.

Hango ang mga bagong probisyon ng P3 sa programang PTK (Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan) ni Cayetano na inilunsad noong 2013.

Nakatulong na ang PTA sa libu-libong Pilipino sa buong bansa sa pamamagitan ng pag-aalok ng mabilis at madaling access sa kapital sa pamamagitan ng mga pautang na mababa ang interes.

Kabilang sa mga beneficiary ng PTK program ay ang mga tricycle at jeepney driver, operator, magsasaka, mangingisda, at sa mga tindera sa palengke at lansangan. Kasalukuyang nakikinabang ang mga grupong ito sa programa at napabuti ang kanilang kabuhayan.

Ang P3 Program ng DTI, na nagsimula noong 2017, ay nakapaglabas naman ng P23.50 bilyon na pinagsama-samang pautang sa 437,561 microenterprise borrowers sa buong bansa.

“The heart of this effort is to ensure that no Filipino entrepreneur is left behind. It is time to give them the support they deserve to build businesses that can stand the test of time,” wika ni Cayetano. Ernie Reyes