Ibinida ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, ang 1,400 porsyentong pagtaas sa Z benefit package sa breast cancer, o hanggang P1.4 milyon mula sa dating P100,000.
Idinagdag din ang ultrasound at mammogram sa Konsulta package na libreng mapakikinabangan ng mga kababaihan para maagapan ang breast cancer. Ito ay bukod pa sa 13 laboratoryo at 21 gamot na kasalukuyang makukuha nang libre mula sa higit 2,000 Konsulta providers sa bansa.
Nitong Pebrero, lahat ng case rates ay itinaas ng 30 porsyento, at isa pang paghigit ng 30 porsyento ang ipatutupad ng PhilHealth bago matapos ang taong 2024. Sa isang panayam ay pinatotohanan ni Dr. Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na, “there was an increase by 30 percent and I think another 30 percent, so magiging malaki na ‘yan, magiging 60 percent na ‘yan. Okay na ho ‘yan, basta walang babayaran halos ang pasyente,” wika niya.
Bukod dito, asahan din ang paglaki sa iba pang benepisyo bago matapos ang taon tulad ng chemotherapy para sa kanser sa baga, atay, cervical at prostate, kasama na rin ang emergency care, open-heart surgeries, ischemic heart disease with myocardial infarction, ST Elevation Myocardial Infarction (STEMI), cataract extraction, peritoneal dialysis, post-kidney transplant, physical and medical rehabilitation, at malubhang dengue.
Iginiit pa ni Ledesma na ang mga hakbanging ito ay para mapagaan ang gastusin ng pasyente sa pagpapagamot at mailaan ang kanilang pera sa iba pang mahalagang bagay.
“Sa pinagbuting mga benepisyo ay hindi na kailangang mangutang o magsangla ang ating mga kababayan. Sasagutin ng PhilHealth ang malaking bahagi ng gastos sa mga admission sa ward accommodation ng mga ospital, pampubliko man o pribado. Higit sa lahat, mas mapagtutuunan nila ang pagpapagaling mula sa kanilang karamdaman,” pagtatapos niya.
Sa Universal Health Care (UHC), mayroong maraming benepisyo at lahat ng Filipino ay makakapag-avail ng kahit anong benepisyo, kahit na hindi ka pa nakarehistro o kulang ka sa hulog. Huwag nang matakot, sa PhilHealth ligtas ka.