HINDI biro-biro ang makipaggiyera sa mga panahon na ito, lalo na laban sa malalaki, makapangyarihan at mayayamang bansa.
Pero pinakamatinding dahilan ng mahirap na pakikipaggiyera ang mga armas na gamit at kung itutulak ka lang ng iba para sa kanyang sariling interes, ipambabala ka lang sa kanyon at kahit maghirap at mapatay ka.
Sa parte ng mga nagtutulak sa iyo sa iyo sa giyera, tatawagin ka lang na bayani pero hindi para sa iyong bayan kundi para sa kanilang pansariling interes.
Tinatalakay natin ito, mga brad, sa gitna ng nasasaksihan ng buong mundo na mga giyera, halimbawa, sa Ukraine versus Russia at sa Israel versus Hezbollah, Houthi at Iran.
Sa mga giyerang ito, walang ligtas na lugar sa mga napakalalakas na armas pandigma at nasisira, nadudurog ang lahat: buhay, ari-arian at hanapbuhay.
Kumbaga sa Pinas, lahat, mula Batanes hanggang Jolo, binobomba, mini-missile, dino-drone, nira-rocket, binabaril at iba pa.
Walang ligtas na lugar, at kasama rin sa mga binobomba ang mga katulad ng Camp Crame at Camp Aguinaldo, kasama ang mga pwesto ng mga pinagtayuan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nakakalat sa Luzon.
Sa Israel, Gaza Strip at Lebanon, may 43,000 nang patay at sa Ukraine at Russia, may patay nang 500,000 sundalo at mahigit nang 100,000 sibilyan.
Ang masama pa, walang pinipili ang mga nagpapakawala ng mga nasabing malalakas na armas: kabahayan, eskwela, ospital, mall, planta ng kuryente, dam at iba pa.
Dahil sa lahat ng ito, milyon-milyong sibilyan ang nagsisialis o nagbabakwit sa Ukraine, daang libo sa Russia, milyon sa Lebanon, 2 milyon sa Gaza at daang libo sa Israel.
Sakaling magkagiyera sa Pinas at China dahil sa iringan sa West Philippine Sea, sino sa magkabilang panig sa palagay ninyo ang mamatayan ng marami, madurugan ng mga ari-arian, magbakwit at iba pa?
Ang tiyak, walang Amerikano na mamamatay, Hapon, Australyano, Europeo at iba pa na nagtutulak sa mga Pinoy na makikipaggiyera.