Home NATIONWIDE Tunay na may-ari ng illegal POGO hubs, itinago sa pekeng papeles –...

Tunay na may-ari ng illegal POGO hubs, itinago sa pekeng papeles – Gatchalian

MANILA, Philippines – Gumamit ng pekeng papeles ang kompanyang nagtayo ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs upang maitago ang tunay na may-ari na hindi na matagpuan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na gumamit ang kompanya ng pangalan ng taong walang kinalaman sa POGO tulad ng empleyado na nakalista ang pangalan bilang isa sa incorporators ng Lucky South 99 nang walang pahintulot.

“May Chinese na sindikato na nasa likod nito tapos meron silang mga local na mga partners o local na ginagamit. Ito ang mga gumagalaw para makakuha ng mga papeles,” ayon kay Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na pagtutuunan ng susunod na pagdinig ng Senado ang nilusob na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Nagpalabas ang Committee on Women and Children ng subpoenas laban sa Lucky South 99 at may-ari nito dahil nabigo silang dumalo sa huling pagdinig ng Senado.

“Ito ‘yung landowner para sumagot at magbigay ng paliwanag kung bakit sa loob ng compound nila merong ganitong mga torture at pangyayari,” ayon kay Gatchalian.

Inimbitahan ng Senado si Porac Mayor Jaime Capil sa Senate hearing.

“May mga lumalabas na may connection siya dito sa Porac POGO hub. May mga personalities na nakikita kami na kakilala niya o meron silang relasyon. Ito tuloy-tuloy pa ang imbestigasyon,” ayon kay Gatchalian.

Pinabulaanan ni Capili ang akusasyon kaya nagpalabas ito ng sariling mensahe sa nasasakupan kamakailan.

“Nitong mga nagdaang araw, humarap ang ating Bayan sa mga mapanirang akusasyon na walang katotohanan. Bilang inyong Mayor, hindi ko matatanggap na patuloy na madungisan ang ating pangalan ng mga walang batayang paratang. Ang mga ganitong pahayag ay hindi lamang sumisira sa akin, kundi sa buong Porac,” aniya.

“Dahil dito, napilitan na akong maghain ng kaukulang reklamo upang ipagtanggol ang ating karangalan. Hindi tayo papayag na ang kasinungalingan ang magwagi. Ang ating laban ay laban para sa katotohanan at katarungan,” giit ni Capili.

Nagpalabas din ng subpoena ang komite laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kanyang family members.

Maaari silang makasuhan ng contempt kapag nabigong dumalo sa pagdinig. Ernie Reyes