Home NATIONWIDE Ukraine at Russia nagsagawa ng peace talks sa Geneva

Ukraine at Russia nagsagawa ng peace talks sa Geneva

195
0

MANILA, Philippines – Natapos ng mga negotiator mula sa Ukraine at Russia ang unang araw ng US-mediated peace talks sa Geneva nitong Martes, habang hinimok ni US President Donald Trump ang Kyiv na pabilisin ang pag-abot sa kasunduang magtatapos sa apat na taong digmaan.

Sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na handa ang Ukraine na makipagkasundo ngunit kinuwestiyon ang layunin ng Russia. “We are ready to move quickly toward a worthy agreement to end the war,” ani Zelenskyy. “The question for the Russians is: Just what do they want?”

Ayon kay Ukraine negotiator Rustem Umerov, nakatuon ang talakayan sa “practical issues and the mechanics of possible decisions,” at magpapatuloy ang negosasyon sa Miyerkules. Hindi naman nagbigay ng opisyal na pahayag ang Russia, ngunit iniulat ng Russian media na “very tense” ang anim na oras na pag-uusap.

Isinasagawa ang peace talks kasabay ng panibagong airstrikes ng Russia na sumira sa power infrastructure sa Odesa at nagdulot ng pagkawala ng kuryente at init sa libu-libong residente.

Hinimok ni Trump ang Ukraine na pabilisin ang negosasyon. “Ukraine better come to the table fast. That’s all I’m telling you,” aniya sa mga mamamahayag sakay ng Air Force One.

Iginigiit ng Russia na isuko ng Ukraine ang natitirang 20% ng Donetsk region na hawak pa ng Kyiv, ngunit tinatanggihan ito ng Ukraine.

Ang Geneva talks ay kasunod ng mga naunang negosasyon sa Abu Dhabi na pinangunahan din ng US ngunit walang naging breakthrough. Pinangunahan nina US envoys Steve Witkoff at Jared Kushner ang mediation, habang naroon din ang mga opisyal mula sa Europa ngunit hindi direktang lumahok sa negosasyon.

Nanawagan si Zelenskyy sa mga kaalyado na dagdagan ang pressure sa Russia sa pamamagitan ng sanctions at military support upang makamit ang tinawag niyang “real and just” peace agreement.

Sa kasalukuyan, kontrolado ng Russia ang humigit-kumulang 20% ng teritoryo ng Ukraine, kabilang ang Crimea at bahagi ng silangang rehiyon. Nagsimula ang full-scale invasion noong Pebrero 24, 2022, na ikinasawi ng libu-libong katao at nagpalikas sa milyun-milyon. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here