Home NATIONWIDE Ulat sa pagkakaaresto sa 3 Pinoy sa China sa pang-eespiya, biniberipika ng...

Ulat sa pagkakaaresto sa 3 Pinoy sa China sa pang-eespiya, biniberipika ng NSC

MANILA, Philippines – BINEBERIPIKANG MABUTI ng Pilipinas ang report na may tatlong Filipino ang inaresto sa China dahil sa pinaghinalaang kabahagi sa mga aktibidad ng page-espiya.

“We have alerted relevant authorities and the DFA (Department of Foreign Affairs) about this report from Chinese news agencies. The DFA is currently verifying these reports and the involvement of any Philippine national, if any,” ang sinabi ni National Security Council spokesman Jonathan Malaya.

“Until we are able to verify these news reports coming from PRC state media, we cannot comment at this time,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, pormal na ipinaalam sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang alegasyon laban sa tatlong Filipino na kasalukuyang nakaditine sa Tsina.

Ang protektahan ang karapatan at interest ng mga nasabing Filipino ay nananatiling pangunahing prayoridad para sa gobyerno ng Pilipinas.

Ibibigay naman ng Philippine Consulate General sa Guangzhou ang lahat ng kakailanganing tulong, kabilang na ang angkop na legal na suporta para sa mga nasabing Filipino.

Ipinarating naman ng DFA sa Chinese Government na tiyakin na ang nasabing alegasyon ay daraan sa due process at may buong paggalang sa karapatan ng mga Filipino alinsunod domestic law at Philippines-China Consular Agreement.

Nauna rito, kinumpirma ng China nitong Huwebes na naaresto nito ang tatlong Pilipino matapos silang akusahan ng pag-eespiya para sa Philippine intelligence agency.

Sinabi ni Guo Jiakun, tagapagsalita para sa China’s Foreign Ministry, sa isang press conference na ang pag-aresto sa mga nasabing indibidwal, na kinumpirma ng Chinese embassy sa Manila na residente ng Palawan, ay kasunod ng paggawa umano ng Pilipinas ng “series of so-called Chinese spy cases.”

Hindi inihayag ni Guo at ng embahada ang pagkakakilanlan ng mga nadakip na Pilipino. Subalit, base sa state-run media ng China na Global Times, kinilala sila bilang sina David Servanez, Albert Endencia at Nathalie Plizardo.

Si Servanez, ayon sa Global Times, ay matagal nang residente ng China. Idinitine siya matapos matuklasang tumitigil malapit sa military facilities, dahilan upang maghinala umano ang Chinese authorities.

Nagtatrabaho naman umano sina Endencia at Plizardo kasama ni Servanez bilang miyembro ng “Philippine intelligence service,” dagdag ng Chinese media.

Nitong Marso, iniulat ng provincial government ng Palawan na tatlo sa mga residente nito ang nadakip ng Chinese authorities noong Disyembre ng nakaraang taon dahil sa umano’y espionage.

Batay kay Palawan provincial government board member Ryan Maminta, dalawa sa mga nahuli ay dating scholars ng Hainan Government Scholarship Program sa China.

Bahagi ang programa ng sisterhood agreement sa pagitan ng Hainan at Palawan na ikinasa upang magbigay ng scholarships sa 50 Palaweños sa Hainan Normal University mula 2018 hanggang 2022.

Nakabalik sa Pilipinas ang mga nasabing indibidwal matapos ang programa, subalit bumalik umano sa China at nawalan na ng komunikasyon sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Kinumpirma ng Chinese embassy sa Manila na sila ang mga indibdiwal na tinutukoy ni Guo nang beripikahin niya nitong Huwebes na ikinulong ng Beijing ang tatlong umano’y mga espiya.

“China urges the Philippines to stop shadow-chasing and making false accusations, handle the cases concerning Chinese citizens in a just manner and in accordance with the law, and effectively protect the lawful rights and interests of Chinese citizens in the Philippines,” giit ni Guo. Kris Jose