Home NATIONWIDE Unang araw ng COC filing mapayapa – Garcia

Unang araw ng COC filing mapayapa – Garcia

MANILA, Philippines- Walang untoward incidents na namo-monitor sa ngayon sa pagsisimula ng unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC), sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nitong Martes.

Sa panayam kay Garcia, ang COC filing ay bahagyang mabagal dahil binabantayan pa rin ng ilang contenders ang sitwasyon, habang ang iba ay nagpasyang maghain na lang sa ibang araw.

“Sa monitoring natin sa buong NCR, sa ibang parte ng ating bansa, maayos ang nagiging filing ng [COC],” sabi ni Garcia sa panayam ng media sa Manila Hotel the tent.

Dagdag pa ni Garcia, maayos ang mga taga-suporta sa labas ng Manila Hotel at walang magugulo o nagkainitan.

Tiniyak din ni Garcia na sapat ang seguridad sa mga lugar sa Metro Manila, Northern Luzon, maging sa Bangsamoro ngunit ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nangako rin na magbibigay ng karagdagang tauhan kung kinakailangan.

Samantala, maglalagay naman ng satellite venues sa Maguindanao del Norte upang maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari.

Paliwanag ni Garcia, maari pa ring maghain ng COC ang mga kandidato sa loob ng compound ng local government units .

“Alam kasi namin na napaka-init ng labanan sa area na ‘yan at sa isang compound ng opisina namin, baka magkaroon ng hesitation na mag-file ng candidacy. Kaya nag-open kami ng isang alternatibo na satellite venue of filing ng candidacy,” sabi ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden