Home NATIONWIDE Unang kaso ng Ebola na konektado sa outbreak sa Africa, naitala sa...

Unang kaso ng Ebola na konektado sa outbreak sa Africa, naitala sa France

1
0

PARIS – Kinumpirma ng France ang unang kaso ng Ebola sa kanilang teritoryo matapos magpositibo sa virus ang isang doktor na bagong bumalik mula sa Democratic Republic of Congo (DRC), ang kauna-unahang kaso sa labas ng Africa sa kasalukuyang outbreak.

Ayon sa French health ministry, dumating sa Paris noong Martes ang doktor sakay ng commercial Air France flight mula Kinshasa. Bukod sa pananakit ng ulo, halos wala itong sintomas bago bumiyahe ngunit “slightly deteriorated during the flight” kaya agad itong in-isolate paglapag pa lamang sa Paris, bago pa man makumpirma ang Ebola.

Nasa stable condition ang pasyente at napakababa ng viral load nito. Limang pasahero na posibleng nakasalamuha ng doktor ang isinailalim sa isolation bilang pag-iingat.

Kinumpirma rin ng humanitarian organization na ALIMA na isa sa kanilang mga doktor ang pasyente at nagsasagawa na ito ng imbestigasyon kung paano nagkaroon ng impeksiyon.

Sinabi ni World Health Organization Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang global risk ay “remains low.” Iginiit din ng French health ministry na mababa ang panganib ng pagkalat ng sakit.

Idineklara ng DRC ang ika-17 Ebola outbreak nito noong Mayo 15. Mahigit 1,000 kaso, kabilang ang 267 pagkamatay, na ang naitala, bagaman naniniwala ang mga eksperto na mas mataas pa ang aktuwal na bilang dahil maraming kaso ang nasa malalayong lugar.

Ang kasalukuyang outbreak ay dulot ng Bundibugyo strain ng Ebola na wala pang aprubadong bakuna o lunas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here