CEBU, Philippines – Inaprubahan ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations ang Cebu Protocol to Amend the ASEAN Charter, ang kauna-unahang pag-amyenda sa charter ng bloc mula nang ito ay pirmahan noong 2007.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mahalagang hakbang ito para sa institutional reform ng ASEAN at para sa mas ganap na integrasyon ng Timor-Leste sa rehiyonal na organisasyon.
“This marks the first amendment to the ASEAN Charter since its signing in 2007,” ani Marcos.
Ang ASEAN Charter, na pinirmahan din sa Cebu, ay nagbigay ng legal personality sa ASEAN at ginawa itong rules-based regional organization.
Ayon kay Marcos, ipinapakita ng Cebu Protocol ang patuloy na pag-unlad ng ASEAN bilang mas “stronger and more inclusive regional community.”
Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng ASEAN na ang pagbabago ay susuporta sa full integration ng Timor-Leste matapos itong maging ika-11 miyembro ng bloc noong Oktubre 2025.
Tinalakay rin sa 48th ASEAN Summit ang mga plano sa ilalim ng ASEAN Community Vision 2045, na layuning gawing “epicenter of growth” ang rehiyon sa Indo-Pacific sa susunod na dalawang dekada. RNT/MND