Home METRO Unang public EV charging station sa Manila City Hall pinasinayaan ni Isko

Unang public EV charging station sa Manila City Hall pinasinayaan ni Isko

1
0

MANILA — Pinasinayaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Lunes, Oktubre 19, ang kauna-unahang pampublikong electric vehicle (EV) charging station sa Manila City Hall bilang bahagi ng hakbang ng lungsod tungo sa mas makabago at makakalikasang transportasyon.

Isinagawa ang ribbon-cutting ceremony sa Kartilya ng Katipunan na pormal na nagmarka sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ACMobility, ang sangay ng AC Enterprises Group na nakatuon sa imprastraktura para sa mga de-kuryenteng sasakyan.

May isang 30-kilowatt DC charger at isang 22-kilowatt AC charger ang pasilidad na matatagpuan sa Manila City Hall. Nagbibigay ito ng mabilis at karaniwang charging option para sa mga may-ari ng electric vehicle, kabilang ang mga walang sariling charging facility.

Ayon kay Domagoso, bahagi ng pagpaplano ng lokal na pamahalaan ang paghahanda sa mga pangangailangan ng mga motorista sa hinaharap, lalo na sa pagdami ng mga gumagamit ng de-kuryenteng sasakyan.

Binigyang-diin ng alkalde na sa kabila ng limitadong pondo at mga mapagkukunan ng pamahalaan, maaaring maisakatuparan ang mahahalagang proyekto sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor.

Isa rin sa layunin ng bagong charging station ang mabawasan ang pangamba ng mga EV owner na maubusan ng karga sa gitna ng mabigat na trapiko at kakulangan ng mga pampublikong charging station sa mga urban area.

“Hindi ka na kakaba na, ‘baka mamaya, ma-traffic ako, wala akong charging station,’” ani Domagoso.

Ipinaliwanag din ng alkalde na bukas sa publiko ang charging station sa City Hall, hindi tulad ng ilang charging facility na matatagpuan sa mga pribadong establisimyento.

Samantala, nakatakdang palawakin pa ng ACMobility ang operasyon nito sa Maynila bago matapos ang 2026. Kabilang sa mga planong lagyan ng karagdagang charging station ang Bagong Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.

Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 200 EV charging hub locations at higit 600 charge points ang ACMobility sa buong bansa.

Kasama ni Domagoso sa pagpapasinaya si Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza, gayundin ang mga kinatawan ng ACMobility.

Inaasahang makatutulong ang proyekto sa mga motorista na lumilipat sa electric vehicles at sa paghahanda ng Maynila sa mas malawak na paggamit ng makakalikasang teknolohiya sa transportasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here