MANILA, Philippines – Nakapuntos ang kampo ni Vice President Sara Duterte matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang naunang deklarasyon na labag sa Saligang Batas o unconstitutional ang impeachment complaint ng Kamara laban sa kanya.
Sa press conference, inanunsyo ni SC spokesperson Atty. Camille Ting na “denied with finality” ang motion for reconsideration ng Kamara na humihiling na baliktarin at gawing valid ang ikaapat na Articles of Impeachment laban kay VP Sara.
Sa “unanimous decision” ng Supreme Court en banc, pinagtibay ang naunang desisyon noong nakaraang taon na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang ikaapat na Articles of Impeachment dahil saklaw ito ng one-year bar rule, na malinaw na paglabag sa Saligang Batas.
Noong Hulyo 2025, idineklara ng SC sa isang pinagkaisahang boto ng mga mahistrado na lumabag sa one-year ban rule ang Articles of Impeachment at walang hurisdiksyon ang Senado na ipagpatuloy ang proceedings.
Nakasaad din sa resolusyon na ang korte ay hindi na tatanggap ng anumang mosyon, pleadings, o apela mula sa sinumang indibidwal kaugnay sa kaso.







