Home NATIONWIDE Unemployment, underemployment rates humupa noong Nobyembre

Unemployment, underemployment rates humupa noong Nobyembre

232
0

MANILA, Philippines — Bumaba ang antas ng kawalan ng trabaho at underemployment sa bansa noong Nobyembre 2025 kumpara sa naitalang datos noong Oktubre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa PSA, umabot sa 4.4% ang unemployment rate noong Nobyembre, mas mababa sa 5% noong Oktubre, na katumbas ng humigit-kumulang 2.25 milyong Pilipino na walang trabaho.

Bumaba rin ang underemployment rate sa 10.4% mula sa 12% noong nakaraang buwan, na nangangahulugang nasa 5.11 milyong manggagawa ang may trabaho ngunit naghahanap pa ng dagdag na oras o karagdagang hanapbuhay.

Gayunman, mas mataas ito kumpara sa 3.2% unemployment rate noong Nobyembre 2024, kung kailan 1.66 milyong Pilipino lamang ang walang trabaho.

Ayon kay PSA Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa, malaki ang naging epekto ng pananalasa ng bagyong Tino at Uwan sa sektor ng turismo, accommodation, at wholesale at retail trade, na nagresulta sa pagkawala ng humigit-kumulang 567,000 trabaho sa loob ng isang taon.

Samantala, nakapagtala naman ng pagtaas sa employment sa sektor ng konstruksyon na umabot sa 143,000 mula Oktubre hanggang Nobyembre.

Dagdag ni Mapa, mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025, tumaas ng 203,000 ang employment sa konstruksyon kumpara sa kaparehong panahon noong 2024, sa kabila ng pagbagal ng paggasta ng pamahalaan sa mga imprastraktura.

Sinabi naman ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na patuloy ang kanilang hakbang upang palakasin ang kakayahan ng mga negosyo na makabangon sa epekto ng masamang panahon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga Business Continuity at Resiliency Plans. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here