Home NATIONWIDE Unified PWD ID aarangkada na vs malawakang pekehan

Unified PWD ID aarangkada na vs malawakang pekehan

MANILA, Philippines – Magsisimula sa Hulyo ang pilot rollout ng Unified Persons with Disabilities (PWD) ID system sa 35 probinsya upang labanan ang pekeng PWD ID at mapadali ang pagkuha ng benepisyo ng tunay na PWD.

Ayon kay Glenda Relova, Executive Director ng National Council on Disability Affairs (NCDA), magkakaroon ito ng iisang disenyo, iisang issuing authority, at advanced na seguridad kabilang ang RFID.

“Ang layunin po ng Unified PWD System is para po tayo magkaroon ng iisang design lamang, iisa lang din po ang issuing authority para po once po na ang ating mga persons with disability ay dala-dala po itong ID na ito ay wala na pong question or hindi na kinakailangan i-verify pa kung hindi talagang ang ID mismo ang nagsasabi na sila ay totoo pong,” aniya.

Sa kasalukuyan, iba’t ibang LGU ang gumagawa ng sariling PWD ID kaya nagkakaroon ng kalituhan at pandaraya. Ang bagong sistema ay konektado sa National ID at e-verifier upang masigurong tunay ang mga ID. Ipapa-deliver ang physical ID sa loob ng tatlong buwan habang may digital version na pwedeng i-download.

Naitala ng Bureau of Internal Revenue na umabot sa P88.2 bilyon ang nawalang buwis noong 2023 dahil sa pekeng PWD ID, na nilalayon ng bagong sistema na maiwasan.

Kinakailangan ng valid na dokumento sa pagrehistro, lalo na sa mga di-nakikitang kapansanan na kailangang kumpirmahin ng lisensyadong eksperto. Kasama sa pilot areas ang mga bahagi ng Pangasinan, Bulacan, Laguna, Metro Manila, Bicol, at BARMM.

Hinimok ng NCDA ang mga PWD na magparehistro at ang mga establisimyento na tanggapin ang kasalukuyang mga PWD ID habang nasa pilot testing.