SOUTH COTABATO, Philippines – Hindi bababa sa tatlong estudyante ang nasawi sa pamamaril sa loob ng Banga National High School pasado alas-1 ng hapon nitong Biyernes, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, idineklarang dead on arrival sa isang ospital ang tatlong biktima, batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Isa sa mga nasawi ang pinaniniwalaang suspek sa pamamaril na matapos ang insidente ay itinutok ang baril sa sarili.
Samantala, walong iba pang estudyante ang nasugatan at karamihan sa mga ito ay ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal.
Agad ipinag-utos ni Palencia ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan hanggang sa Lunes bilang pag-iingat.
Nagpatupad din ng kaparehong hakbang si Surallah Mayor Pedro Matinong Jr. sa kalapit na bayan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla na isa umanong empleyado ng lokal na pamahalaan ang ama ng estudyanteng namaril at posibleng pag-aari ng ama ang baril na ginamit ng estudyante sa insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano napunta sa estudyante ang armas at ang buong detalye ng pamamaril. RNT/MDS