Patuloy umano na iniisnab ng Mayor at Vice Mayor ng Urdaneta City Pangasinan ang ipinalabas na suspension order sa kanila ng Malakanyang.
Matatandaang nagpalabas ng tig-isang taong suspension order laban kina Urdaneta City Mayor Julio Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno ang Malakanyang sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin at Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay nang umano’y mga kasong grave misconduct at grave abuse of authority ng dalawang Parayno.
Depensa umano ni Mayor Parayno na hindi pa nito natatanggap ang suspension order at nakabakasyon umano siya siya mula Enero 7 hanggang 21.
Kaugnay nito, niliwanag naman ni Pangasinan Governor Ramon Guico III, na hindi pa niya aprubado ang leave of absence ni Mayor Parayno.
Ayon kay Governor Guico, nagsumite si Parayno ng sick leave noong Enero 7 at natanggap ng niya ang aplikasyon noong Enero 8 pero, sinabi pa sa ulat na pinagsusumite muna niya ito ng mga sumusunod na mga requirements bago aksyonan ang inihaing sick leave base na rin sa Memorandum Circular No. 2018-197 ng Department of Interior ang Local Government.
Samantala, nitong Enero 3 ngayong taon, magugunitang pinirmahan at nagpalabas ng 1 year suspension order laban kay Mayor Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno si Executive Secretary Bersamin matapos mapatunayang liable ang dalawa sa naturang mga kaso nang tanggalin sa puwesto bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay si Punong Barangay Michael Brian Perez noong 2022, ang complainant sa kaso na naisampa sa Malakanyang.
Sinasabing walang hurisdiksyon ang mga Parayno na tanggalin si Perez bilang Liga ng mga Barangay President dahil ito ay trabaho ng Provincial Liga Office. RNT