Home HOME BANNER STORY US at Iran nagdeklara ng 2-linggong tigil-putukan

US at Iran nagdeklara ng 2-linggong tigil-putukan

129
0

WASHINGTON – Pumayag si US President Donald Trump sa dalawang linggong ceasefire sa Iran, matapos na umatras sa nauna niyang bantang maglunsad ng matinding pag-atake sa sibilyang imprastraktura ng Tehran kapag hindi nito muling binuksan ang Strait of Hormuz.

Sinabi ni Trump na nakaasa ang tigil-putukan sa pagpayag ng Iran na muling padaluyin nang ligtas ang mga suplay ng langis at gas sa mahalagang rutang pandagat, kasabay ng pahayag na naabot na umano ng Washington ang mga layuning militar nito at malapit na rin sa mas malawak na kasunduang pangkapayapaan.

Sa Truth Social, sinabi niya: “This will be a double sided CEASEFIRE!” Dagdag pa niya, “The reason for doing so is that we have already met and exceeded all Military objectives, and are very far along with a definitive Agreement concerning Longterm PEACE with Iran, and PEACE in the Middle East.”

Ilang oras bago ito, nagbanta si Trump na “a whole civilization will die tonight” kapag hindi tumalima ang Iran sa kanyang utos na muling buksan ang strait.

Dumating ang biglaang pag-urong na ito habang patuloy na niyayanig ng anim na linggong digmaan ang pandaigdigang merkado ng langis at pananalapi, dahil sa Strait of Hormuz dumaraan ang halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa mundo.

Sa panig naman ng Iran, sinabi ng Tehran na ititigil lamang nito ang mga pag-atake kung ititigil din ang mga opensiba laban dito.

Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, magiging posible ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz sa loob ng dalawang linggo sa koordinasyon ng Iranian armed forces. Iniulat din ng Reuters na sinabi ng Iranian state television na tinanggap umano ni Trump ang mga kundisyon ng Iran para sa pagtigil ng digmaan at inilarawan ito bilang isang “humiliating retreat” ng pangulo ng Amerika.

Namagitan ang Pakistan sa nasabing kasunduan na tigil-putukan, habang ayon rin sa ulat na pumayag ang Israel sa dalawang linggong tigil-putukan.

Gayunman, nanatiling alanganin ang sitwasyon matapos sabihin ng militar ng Israel na may namataang mga missile na inilunsad mula sa Iran ilang sandali matapos ang anunsyo ni Trump. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here