MANILA, Philippines – Iniutos ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Biyernes ang agarang pagpapasara sa isang US visa consulting firm na may mga tanggapan sa iba’t ibang lungsod sa buong bansa dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na recruitment ng mga Filipino migrant workers.
Iniutos ng ahensya ang pagsasara ng Visa to America Manila, Inc., na mayroong pangunahing opisina sa Ortigas, Pasig City at pito pang sangay na kinabibilangan ng Quezon City, Iloilo City, Cebu City, Davao City, Zamboanga City at Santiago City sa Isabela province. Mayroon din itong opisina sa Washington D.C.
Ang mga tauhan ng DMW, sa pangunguna nina Secretary Hans Leo Cacdac at Undersecretary Bernard Olalia, ay personal na nagtungo sa Ortigas office ng Visa to America Manila upang maghatid ng closure notice, na ipinaskil sa pintuan nito. Ang mga parallel crackdown operation ay ginanap sa iba pang sangay ng kumpanya.
Ayon sa DMW, ang processing center ay tumatakbo nang walang kaukulang lisensya mula sa ahensya habang ito ay nagre-recruit umano ng mga guro at hospitality workers na nagpaplanong maghanap ng trabaho sa Estados Unidos. Mahigit 50 overseas Filipino workers (OFWs) ang ipinadala ng kumpanya sa US mula noong 2022.
Ang kumpanya umano’y nag-aalok ng mga trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng J1 at H-1B US visa –parehong non-immigrant visa– na may suweldong mula $40,000 hanggang $100,000. Ang J1 ay ibinibigay sa mga indibidwal na sumasali sa mga programang pang-edukasyon at kultural na pagpapalitan, habang ang H-1B ay ibinibigay sa mga naghahanap ng mga espesyal na trabaho sa US.
“If they are involved in job matching, they offer a job here to the worker who has a counterpart in the US who already has a ready employer. So that is clearly a case of recruitment. They are recruiting for overseas employment without a license from the DMW and under the laws, that is a case of illegal recruitment,” saad ni Cacdac.
Nangako ang DMW chief na susubaybayan at titingnan ang mga talaan ng mga OFW na nag-tap sa serbisyo ng Visa to America Manila upang matiyak na hindi sila lumalabag sa anumang batas sa paggawa. RNT/MND