Home OPINION USAPANG GIYERA, ICC AT IMPEACHMENT PA RIN

USAPANG GIYERA, ICC AT IMPEACHMENT PA RIN

KAPAG panahong walang giyera laging naiisip ng ating pamahalaan, sandatahan at ng ilan sa ating kababayan na mahalaga raw ang pakikipag-ugnayan sa mga makapangyarihang bansa kagaya ng United States lalo na sa usaping pagpapalakas ng alyansang militar.

Ayon sa kanila ay kailangan ito para may maaasahan tayong tutulong kapag may mananakop sa ating teritoryo.

Kaya may ilang beses nang tinanggap ng ating pamahalaan at sandatahan ang US na nakipag-alyansa kaya nagkaroon ng iba’t-ibang tratado at kasunduan magmula pa noon hanggang kasalukuyan.

At pumasok ang US Bases at iba pang usapin hanggang naging Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Samantala, kapag may ganitong giyera gaya sa Israel at Iran tapos nasawsaw pa ang US ay sadya nakapangangamba dahil maraming bansa ang galit sa US habang kilala ang Pilipinas na kaalyado ng US kaya may panganib na tayo ay madamay.

Hindi ba’t noong World War II nabuo ang Lakas Axis ng Alemanya, Italya at Hapon? Nasakop tayo noon ng US kaya tayo ay ginyera ng mga Hapon. Nadamay tayo sa giyerang hindi naman atin.

Ganyan din ang pinapangambahan kapag sumiklab ang WW 3 dahil maaari na naman tayong idamay ng mga bansang kaaway ng US.

Sa kabilang banda, sa usaping International Criminal Court naman sakaling mapagbigyang makalabas ng piitan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na isinusulong ng mga abogado nito, ay plano raw na sa bansang Australia ito dalahin.

Bigla kong naalala noong nakaupo pa siyang Pangulo, may isang madreng Australyana rito sa Pinas ang kanyang pinauwi sa Australia dahil umano sa iligal nitong pakikibahagi sa political activism.

Tanggapin kaya ang dating Pangulo sa Australia gayong batid ng pamahalaan doon ang ginawang pagpapauwi sa kababayang madre? Kilalang nagpapahalaga sa human rights ang Australia.

Samantala, sa impeachment, winika ni Vice President Sara kamakailan “I want a bloodbath” hindi raw siya uurong at hindi siya takot sa trial.

Hindi nga siya takot dahil 16 abogado ang kanyang depensa, datapwat kung hindi takot sa impeachment ay bakit sa kanyang sagot sa writ of summons ng Senate Impeachment Court ay hiniling ng kanilang kampo na i-dismiss na ang ikaapat na impeachment complaint? Akala ko hindi takot?

Para sa akin dapat matuloy na, pagkakataon na ng VP na maipagtanggol at malinis ang kanyang pangalan kung talagang walang pagkakasala. Di ba?