MANILA, Philippines – Sino ba talaga ang sinungaling?
Ito ang tanong ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos magbigay ng kanyang pahayag si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ukol sa guarantee letters na kontra sa naunang naging pahayag ng Department of Health (DoH).
Sinabi kasi ng Alkalde na mahalaga na maitama ang naging pahayag ng DoH na hindi naman kailangan ng guarantee letters sa mga hospital na pinatatakbo nag-o-operate sa ilalim ng DoH dahil sa Baguio City lamang ayon kay Magalong ay katuwang doon ng mga pasyente na nangangailangan ng pambayad ng hospital ang guarantee letters.
Sinabi ni Magalong na kailangang ilahad ni DoH Secretary Ted Herbosa ang tunay na sitwasyon ‘on ground.’
“Actually, nadinig ko po iyan, maliban po sa statement na iyan na ating nabasa, nadinig ko po ang kanyang interview. Ang sinabi po niya ay ‘sinungaling si Secretary Ted Herbosa’, sa pagsasalita na hindi naman po nagre-rely ang DOH hospitals, especially with regard to basic accommodations sa guarantee letters. So, bago po siguro magsalita ang isang tao na sinungaling kailangan muna nilang humarap sa salamin at tanungin nila sa sarili nila, sino ba talaga ang sinungaling?,” ang sinabi ni Castro.
“Unang-una po, iyong guarantee letter 2026 pa lang po ito ipapa-implement, so dapat malaman po mismo ni Mayor Magalong iyong timeline, dahil kung nakaraan po ay may mga guarantee letters, kaya nga po siguro sandamakmak iyong mga guarantee letters na in-isyu ng Baguio city. Kung sa tingin po niya ito ay pang-epal, bakit kaya ang dami rin niyang guarantee letters,” ang tanong ni Castro.
“Ang mga guarantee letters po ay hindi naman po talaga sana magamit ng mga politiko. Inamin ni Mayor Magalong, na ang guarantee letters ay ini-isyu ng Baguio city, pero ang galing—ang pondo ay galing sa mga senador. Sino po kayang senador ang tumutulong sa kanila, ito po kaya iyong kanyang mga na-endorso noong eleksyon. Ibig po rin bang sabihin, ang pagtulong ng mga senador dahil sa pondo na ito ay pang-epal lamang,” lahad nito.
Nakausap din aniya niya si Asec. Albert Domingo, patungkol sa BGC o Baguio General Hospital.
Ayon aniya sa Baguio General Hospital MCC, ang mga guarantee letters na naibigay sa kanila ay inisyu ng Baguio City gamit ang pondo nila, hindi gamit ang pondo ng DOH.
“Dahil kung pag-uusapan po natin ang timeline ng Zero Balance Billing, lahat po ng DOH hospitals sa basic accommodation hindi po kailangan ang guarantee letters. So, sa mga constituents ng Baguio city, kapag kayo po ay pumunta sa BGH dahil iyan po ay DOH hospital, kapag kayo po ay nag-avail ng services para sa basic accommodations ‘di ninyo po kailangan ang guarantee letters,” ang winika ni Castro.
Ang sinasabi lamang aniya ni Sec. Ted Herbosa, kapag binanggit po guarantee letters, nangangahulugan ito na may nagga-garantiya.
Binigyang halimbawa pa ni Castro ang “Kapag kayo po ay umutang at mayroon kayong guarantor, iyong guarantor kapag hindi nakapagbayad iyong umutang, iyong guarantor hahabulin. So, kung sinuman po ang guarantor nito, nagbigay ng guarantee letter ang nais lamang po sabihin ni Sec. Ted, iyon po ang magbabayad. Hindi po manggagaling dapat ang pondo na iyan sa DOH.”
“So, kung mag-i-issue po ang Mayor ng Baguio city ng guarantee letters, siguraduhin po nila na may pondo po sila. At kung ano po ang magiging usapan nila sa mga private hospitals hindi po natin hahadlangan,” ang sinabi pa rin ni Castro.
“Pangalawa po, may mga pagkakataon po nadidinig po natin ang kadalasan ngayon ang negatibong mga reaksiyon ng mayor sa pamahalaan, maingay po siya ngayon, wala naman pong problema at nadidinig po iyan ng Pangulo,” anito sabay sabing “sana po ay naging maingay din siya noong panahon noong panahon ng dating Pangulong (Rodrigo) Duterte.” (KRIS JOSE)