Home NATIONWIDE ‘Utak-kotse’ vs problema sa trapiko, ipinababasura sa Senado: ‘Riles, kaysa highway’

‘Utak-kotse’ vs problema sa trapiko, ipinababasura sa Senado: ‘Riles, kaysa highway’

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Transportation (DOTr) na ibasura ang sistemang “utak-kotse” sa paglutas sa patuloy na lumalalang problema sa trapiko na umabot sa punto na mas lalong sumisikip ang lansangan.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na mas makabubuti sa pamahalaan na gumawa ng mas maraming riles ng tren sa halip na highway na mas maraming maisasakay na pasahero kaysa bus o kotse.

Lantarang kinalampag ni Cayetano ang bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Secretary Vince Dizon hinggil sa posibleng solusyon sa trapiko.

Naniniwala si Cayetano na hindi matutuldukan ang patuloy na pagsisikip ng daloy ng trapiko kapag aasa sa kotse ang mas maraming Filipino at puro pagpapaluwag ng lansangan na kaysa magtayo ng mas maayos na mass transport system tulad ng tren.

“Why not a railway rather than a highway? Kasi nga ang problema, utak-kotse tayo,” aniya.

“Noong ‘50s, ‘40s, nangunguna tayo, may railway tayo everywhere. Pero napabayaan natin y’un and then we went the American way na panay kotse,” dagdag niya.

Binanggit ng senador ang araw-araw na kalbaryo ng maraming manggagawang bumibiyahe mula probinsya patungong Metro Manila.

“Not only the hirap, y’ung tama sa katawan, but y’ung oras talaga na nasasayang, and then of course y’ung gastos,” sabi niya.

Suportado ni Cayetano ang Metro Manila Subway project pero aniya, hindi dapat dito lang natatapos.

“Dapat bago pa matapos ‘yan, pina-plano na ang susunod,” aniya.

“Kasi it takes six or seven years para matapos. By the time matapos, ilan na ang kotse, ilan na ang tao, tapos panay sa Metro Manila. So may ginagawa ba to extend that out?” pagpapatuloy niya.

Inihalimbawa ng senador ang long-term planning ng Hong Kong, kung saan halos taun-taon ay may bagong subway project.

“Since early or mid-1980s, wala akong punta sa Hong Kong na nakita kong walang ginagawang subway. So by now, makikita n’yo kahit saan ka pumunta sa Hong Kong, halos buong Hong Kong malalakad n’yo sa ilalim in most of the areas. Kasi nga, gawa lang nang gawa,” sabi niya.

Sa huli, umaasa si Cayetano na magagamit ni DOTr Sec. Dizon ang kanyang karanasan sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang mapabilis ang modernisasyon ng transportasyon tulad ng railways.

Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang pag-decongest sa Metro Manila sa pamamagitan ng railway network at pagpapalakas ng ekonomiya sa probinsya. Ernie Reyes