MANILA, Philippines – Patuloy ang paghahanap ng PNP sa mga utak sa likod ng pagdukot at pagpatay kay negosyanteng Anson Que at sa kaniyang driver, kahit tatlong suspek na ang hawak ng mga awtoridad.
Naaresto sina Ricardo Austria David at Raymart Catequista sa Palawan noong Abril 18, habang sumuko si David Tan Liao sa parehong araw. Nahaharap sila sa kasong kidnapping for ransom with homicide.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Marbil, hindi ito random na krimen kundi planadong kidnap-for-hire kaugnay ng utang at pagtaksil. Si Liao, isang Chinese national, umano ang namuno sa operasyon.
Konektado rin ang grupo sa limang iba pang kaso. Dalawa pang Chinese na suspek ang pinaghahanap.
Natagpuang patay sina Que at ang kaniyang driver noong Abril 10, kahit nagbayad na ang pamilya ng ransom na umabot sa ₱100 milyon. Iniimbestigahan din ng PNP ang posibleng kaugnayan nito sa POGO, ngunit itinanggi ito ng pamilya ni Que. Santi Celario