MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng talakayan sa Senado para sa susunod na pambansang budget, pinagpapaliwanag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang economic team ng pamahalaan tungkol sa lagay ng mga pondo sa ilalim ng 2026 national budget pati na ang kabuuang utang ng gobyerno.
Inisa-isa ni Cayetano ang mga tanong niya sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa isang liham kay Finance Committee Chairperson Senator JV Ejercito nitong August 27, 2026, kasabay ng briefing nito sa Senado tungkol sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
Aniya, kailangan ng mga mambabatas ang mga impormasyong ito sa pagbalangkas ng panibagong pambansang budget na “transparent” at tapat sa mga prayoridad nito.
“There is no measure this Congress passes each year that is more consequential and touches more Filipino lives than the General Appropriations Act,” diin ni Cayetano sa kanyang liham.
“It is our values and priorities written in numbers. That is why we owe it to our people to get this budget right,” dagdag niya.
Kabilang sa mga tanong ni Cayetano sa Department of Budget and Management (DBM) ay kung magkano sa 2026 budget ang nailabas na, nailaan sa mga proyekto, at aktwal na nagastos.
Nais din niyang malaman mula sa DBM ang “absorptive capacity” o ang halagang kayang gastusin ng bawat ahensya. Humingi rin siya ng detalye tungkol sa mga pondong inilaan para sa mga programa sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).
Sa Department of Finance (DOF) naman, tinanong ni Cayetano kung magkano na ang kabuuang utang ng pamahalaan hanggang July 31 ng kasalukuyang taon, pati na ang mga loan at bond na kinuha o ginarantiyahan ng gobyerno sa nakalipas na tatlong taon.
Tinanong din niya sa DOF kung aling mga foreign loan at grant ang hinihintay pa ang pag-apruba ng pamahalaan.
Humingi rin ang senador ng listahan ng mga pondong inilipat, ini-realign, o idinagdag sa ibang programa simula noong July 2023, pati na kung saan galing at saan napunta ang pera.
Hiniling ni Cayetano sa mga ahensya na maagang isumite ang kanilang mga sagot at mga kaugnay na dokumento para mabigyan ng sapat na panahon ang mga senador na pag-aralan ang mga ito bago ang mga nakatakdang budget hearing ng bawat ahensya.
Tiniyak naman ng Minority Leader sa Majority ang kanyang “full and good faith cooperation” sa pagbuo ng “best possible budget for 2027.”
“[It must be] a budget that honors God, builds communities, and transforms the nation,” aniya. Ernie Reyes