Home NATIONWIDE Utang ng pamahalaan sa SUCs, LUCs sa free college education law, P6B...

Utang ng pamahalaan sa SUCs, LUCs sa free college education law, P6B na – Escudero

MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit P6 bilyon ang utang ng pambansang gobyerno sa state universities and colleges at local universities and colleges na pinatatakbo ng local government units sa ilalim ng free tertiary education law dulot ng pagtaas ng bilang ng enrollees sa academic year 2022-2023.

Inihayag ito ni Sen. Chiz Escudero, chairman of the Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, sa ginanap na Kapihan sa Senado media forum.

“Nagtaas kasi ang enrollment noong natapos ang pandemya, eh, so ‘yung projection ng DBM (Department of Budget and Management), eh, kulang, so may balanse, humigit-kumulang ₱6 billion ang kulang na dapat bayaran diumano sabi ng mga SUCs (state universities and colleges) at LUCs (local) sa DBM,” ayon kay Escudero.

“Basically, ito, roughly 50% of SUCs and LUCs exceeded the budgetary allocation of the number of students covered by free tertiary education, 50% followed the budget,” giit pa niya.

Binanggit din ni Escudero ang isa pang namumuong problema ng education institutions ay ang inaasahang pagtaas ng singil sa matrikula sa pagtatapos ng moratorium.

Aniya, kanyang inatasan ang DBM at Commission on Higher Education na pag-aralan kung paano mareresolba ang isyu.

“Dahil kung magtaas ng tuition ang mga SUCs at LUCs magkakanda-gulo-gulo na naman ‘yung budget na i-a-allocate namin para sa libreng tuition para sa SUCs at LUCs,” aniya.

“May cap ba dapat ‘yan o wala? Pwede bang mag-cap ang gobyerno sa babayaran lamang sa kada estudyante? Kung ‘yung itinaas na tuition ng SUCs at LUCs hindi binayaran ng gobyerno sa ilalim ng Free Tertiary Education Act, pwede ba nilang singilin ‘yun sa estudyante?” tanong niya. Ernie Reyes