Home OPINION UTANG NG PILIPINAS UMABOT SA PHP16.68 TRILYON RECORD-HIGH NOONG MARSO 2025

UTANG NG PILIPINAS UMABOT SA PHP16.68 TRILYON RECORD-HIGH NOONG MARSO 2025

UMAKYAT sa panibagong rekord na Php16.68 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan ng Pilipinas hanggang katapusan ng Marso 2025, ayon sa pinakahuling datos mula sa Bureau of the Treasury na inilabas nitong May 7, 2025. Ito ay bahagyang mas mataas ng 0.31 porsyento kumpara sa Php16.63 trilyon noong ­Pebrero 2025.

Ayon sa Bureau of the Treasury, nananatiling “manageable” o kaya nang pamahalaan ang antas ng utang sa kabila ng pag­taas nito, dahil 68.2 porsyento ng utang ay lokal na pinangga­lingan habang 31.8 porsyento lamang ang mula sa mga dayuhang pinagkakautangan. Anila, ito ay patunay ng maingat na estratehiya sa pamamahala ng utang upang makaiwas sa mga panlabas na panganib habang sinasamantala ang likidong pamilihang pinansyal sa loob ng bansa.

Tumaas ang domestic debt sa Php 11.38 trilyon mula Php 11.22 trilyon dulot ng netong paglalabas ng government securities na nagkakahalaga ng Php 157.86 bilyon na isang indikasyon ng tiwala ng mga mamumuhunan sa mga instrumento ng pamahalaan. Bahagya naman itong nabawasan ng Php 2.03 bilyon dahil sa patuloy na pag-­appreciate ng piso.

Samantala, ang utang panlabas ay bumaba sa Php 5.30 tril­yon mula Php 5.41trilyon, bun­sod ng mas malakas na piso kontra dolyar at mga pagbabayad sa ilang utang panlabas. Ang pagbaba ng halaga ng piso kontra US dollar-denominated debt ay umabot sa Php 66.22 bilyon, sa­mantalang ang netong bayad sa mga pautang mula sa ibang bansa ay nagbawas pa ng Php 60.84 bilyon.

Sa kabila ng mataas na utang, sinabi ng Bureau of the Treasury na ang matatag na koleksyon ng buwis sa unang tatlong buwan ng taon ay naka­tulong sa pagpopondo ng mga pangunahing programa ng pamahalaan nang hindi na kinakaila­ngan pang magpataw ng panibagong buwis. Umabot sa Php 933.7 billion ang kabuuang ki­ta ng pamahalaan mula Enero 2025 hanggang Marso 2025, mas mataas ng 6.90 porsyento kumpara sa parehong panahon noong 2024.

Pinangunahan ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagtala ng 16.67 porsyento pag­taas sa koleksyon, na umabot sa Php 690.4 bilyon, habang ang Bureau of Customs (BOC) ay may 5.72 porsyento pagtaas sa kanilang koleksyon na umabot sa Php 231.4 bilyon.
Sa usapin ng debt-to-GDP ratio, nasa 60.7 porsyento ito sa pagtatapos ng 2024 na ba­hagyang lampas sa 60 pors­yento na itinuring na international benchmark. Gayunpaman, layunin ng administrasyong Mar­cos na ibaba ito sa 56.9 pors­yento pagsapit ng 2028 sa ila­lim ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF).

Ipinagmalaki rin ng Bureau of the Treasury na 91.5 pors­yento ng utang ay may fixed in­terest rate, kaya’t hindi agad naaapektuhan ng mga pagbabago sa pandaigdigang interest rates, at 81.3 porsyento naman ay long-term, na nagbibigay ng mas malawak na fiscal space sa pamahalaan upang pondohan ang mga proyektong pampapa­unlad.

Binigyang-diin ng Bureau of ­the Treasury na ang mga po­sitibong pagbabago sa credit rating ng bansa ay patunay ng matatag na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas, isang mahalagang salik sa pagpapanatili ng abot-kayang gastos sa pangungu­tang at ng inklusibong pag-unlad ng bansa.