MANILA, Philippines- Magpapadala ang Philippine National Police (PNP) ng contingent sa Malaysia upang dalhin si Alan Dennis Lim Sytin — ang umano’y mastermind sa pagpatay sa kanyang sariling kapatid na si Dominic noong 2018— sa lokal na hustisya.
Sinabi ni PNP spokesperson and Police Regional Office 3 (Central Luzon) Regional Director Brigadier General Jean Fajardo na posibleng magtungo ang isang team mula sa rehiyon sa Malaysia ngayong Huwebes o sa Biyernes sa pakikipagtulungan sa Office of the Police Attaché (OPA) sa Malaysia.
“We are just preparing for the travel documents required for the immediate repatriation of Dennis Sytin so he could face this murder case that we have filed against him,” pahayag ni Fajardo.
Nadakip si Dennis sa Petaling Jaya, Selangor, Malaysia, noong March 22, sa parehong araw na naaresto ang kasabwat umano niyang si Edrian Rementilla, kilala rin bilang Ryan Rementilla at Oliver Fuentes, sa Buhanginan Hills, Pala-o, Iligan City sa Pilipinas.
Inisyal na kinailangang harapin muna ni Dennis ang paglabag sa Malaysian immigration laws bago siya mapauwi sa Pilipinas.
“Ngayon po ay nasa custody na po ng Royal Malaysian Police si Dennis Sytin na naga-undergo lang po ng proseso because merong violation po ng kanilang immigration laws but we already requested representation from the ambassador of our special envoy and transnational crime and through their office, they already coordinated with the Philippine Embassy in Malaysia,” ani Fajardo.
Ikukulong si Dennis sa Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga, habang hinihintay ang commitment order mula sa Manila Regional Trial Court Branch 7, na nag-isyu ng arrest warrant.
“We expect na gugulong na po ito pong kaso po na ito para na rin po sa ikatatahimik at pagbibigay po ng hustisya, para na rin po sa namatay po na biktima, sampu po ng kanilang pamilya,” pahayag ni Fajardo.
Itinuturo si Dennis, mayroong P10 milyong patong sa ulo, sa pagpaslang sa kanyang kapatid na si Dominic, presidente at founder ng United Auctioneers Inc.
Patay sa pamamaril si Dominic sa harap ng isang hotel sa Subic noong November 28, 2018. Sugatan din sa nasabing pag-atake ang kanyang bodyguard. RNT/SA