Home METRO Utol pinagsasaksak ng sariling kapatid, patay

Utol pinagsasaksak ng sariling kapatid, patay

MANILA, Philippines – Isang lalaki ang namatay makaraang pagsasaksakin ng sariling kapatid nito dahil sa mainitang pagtatalo sa Rosario, Cavite

Naisugod pa sa Divine Grace Medical Center ang biktima na si alyas Jay subalit namatay habang ginagamot dahil sa tinamong saksak sa katawan.

Tinutugis naman ng pulisya ang kapatid ng biktima na tumakas matapos ang insidente bitbit ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

Base sa salaysay ng pinsan, bandang alas-9:45 ng gabi narinig umano niya na nagtatalo ang magkapatid sa labas ng kanilang bahay sa Norvione Subdivision, ng nasabing lugar.

Matapos ang mainitang pagtatalo, ilang saglit lang umano ang katahimikan hanggang sa nakita nila ang biktima na nakabulagta sa sahig at duguan.

Inaalam pa ng pulisya ang pinagmulan ng pagtatalo ng magkapatid na siyang naging sanhi ng pananaksak. Margie Bautista