MANILA, Philippines — Iginiit ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi siya tatakbo sa anumang pampublikong posisyon sa 2028 sa kabila ng pagiging isa sa mga nangungunang pangalan sa pinakahuling Pulse Asia senatorial preference survey.
Statistically tied sina Sotto at Sen. Robin Padilla sa survey na isinagawa mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 6, 2026. Nakakuha si Padilla ng 48.4 porsiyento habang 47.9 porsiyento naman si Sotto.
“Wala naman,” sagot ni Sotto nang tanungin kung ano ang kanyang naramdaman sa resulta ng survey.
Nang tanungin kung nagbago ang kanyang planong pampolitika, sinabi niya: “Opo, paulit-ulit ko na namang nasagot ‘yan.”
Unang nahalal na mayor ng Pasig si Sotto noong 2019 matapos talunin ang Eusebio political dynasty na namuno sa lungsod sa loob ng halos tatlong dekada. Isinulong niya ang kampanya laban sa korupsiyon at para sa mabuting pamamahala.
Ilang political group na rin ang nagpahayag noon ng interes na isama siya sa kanilang senatorial slate, ngunit paulit-ulit na sinabi ni Sotto na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“‘Yung iba feelers lang. Wala naman talagang nag-offer pero siguro feelers lang yun iba,” sinabi niya sa isang panayam noong Agosto 2024.
“Wag na natin pag-usapan yung mga ganiyan. Basta I’m not interested… I have zero interest to run for higher office,” dagdag niya.
Matapos manalo sa kanyang ikatlong sunod na termino noong 2025, inanunsiyo ni Sotto na hindi siya tatakbo sa anumang elective position sa 2028.
“[Sa] 2028, hindi ako tatakbo. Ngayon pa lang sinasabi ko na sa inyo. Kaya malaya ako gawin kung anong tingin ko ang tama,” sinabi niya sa turnover ceremony ng mga bagong lokal na opisyal.
Nang tanungin kung bakit hindi niya isinasaalang-alang ang isang pambansang posisyon, sinabi ni Sotto: “Anong gagawin ko doon? I’m not in this to get any position or what.”
“We have a mission here in Pasig: To bring true, genuine reform; to fight for good governance,” aniya.
“I believe that the mission is not yet done.” Dave Baluyot