Home NATIONWIDE Vico Sotto iprinoklama nang panalo sa Pasig mayoral race

Vico Sotto iprinoklama nang panalo sa Pasig mayoral race

MANILA, Philippines – Iprinoklama na bilang panalo sa mayoral race sa lungsod ng Pasig si incumbent Mayor Vico Sotto.

Si Sotto na tumakbo bilang independent, ay nasa ikatlo at huli na niyang termino.

Nanalo ito laban kina Sara Discaya, Cory Palma, at Eagle Ayaon.

“We are very thankful. Nagpapasalamat ako sa lahat ng Pasigueño sa kanilang tiwala, sa kanilang suporta at sa bagong mandato, fresh mandate na ito,” ani Sotto.

“What’s next is the next three years. Pagtitibayin natin ‘yung nasimulan na pagbabago, reporma,” dagdag pa niya.

Ani Sotto, ang pangangampanya sa halalan ngayong 2025 ay ibang-iba mula sa mga dating pangangampanya.

“Kakaiba ‘yung 2025. Talagang lahat ng puwedeng pagdaanan, napagdaanan namin,” sinabi pa ni Sotto.

“Ang tao, ayaw na sa tradisyonal na politika. Ayaw na ng lumang kalakaran gaya ng vote buying o kickback sa gobyerno,” dagdag nito.

Ani Sotto, bagamat walang perpektong gobyerno, nagkaroon ng malaking pag-unlad sa pamamahala sa Pasig sa nakalipas na anim na taon.

Nang tanungin naman kung may plano itong tumakbo sa mas mataas na opisina sa hinaharap, sinabi ni Sotto na sa ngayon ay tututok muna siya sa kanyang trabaho.

“Sana hayaan din po ako ng mga tao na magtrabaho at hindi ako laging pine-pressure. Importante magtrabaho tayo. Let’s do our best. Focus po tayo.”

Samantala, iprinoklama naman si Dodot Jaworski na nanalo bilang vice mayor ng Pasig.

Nanalo naman ito sa katunggaling sina Iyo Caruncho Bernardo at Kuya Marc Dela Cruz. RNT/JGC